Category Archives: Tagalog

Pelikulang Pilipino Noon

Nais kong magsulat sa sariling wika ngayong gabi.

Kung meron mang makakabasa nito na mula sa ibang bansa o hindi nakakaintindi ng Tagalog, humihingi ako ng pasensya. Asahan niyong walang masasamang salita o mga sikretong pang-Pilipino lamang ang lalabas dito sa isusulat ko.

Nais ko lamang mahasa ang aking paggamit ng Tagalog sa pagsusulat. Marahil ito ay epekto ng dumaang pangangampanya at eleksyon o kaya nama’y ang panonood siguro ng mga pelikulang pang-klasiko sa Cinema 1 tuwing Miyerkules. Ilan sa mga pelikulang napanood ko na nitong nagdaang mga linggo ay Tinimbang Ka Ngunit Kulang, Insiang, at Himala–mga pelikulang nagawa nung dekada ’70 at ’80.

Ibang klase talaga ang mga pelikula noong mga panahong iyon. Tila ba walang takot noong ginawa, walang pakundangan, walang ibang ibig ipahiwatig kundi ang kwento lamang. Nakakapagtaka dahil ang mga ginintuang taon ng pelikulang Pilipino ay naganap sa kasagsagan ng Martial Law. Siguro yun ang hatak ng mga pelikulang ito–ang mawala ng panandalian ang balisa sa mga kaganapan sa gobyerno at sa labas ng tahanan. Ngunit naniniwala din ako na ginamit ang mga pelikula upang buksan ang mga mata ng bawat Pilipino sa mga nangyayaring kahirapan at kalupitan noong mga panahong iyon.

Kadalasang tumatatak sa akin ang mga huling sandali ng mga pelikula tulad ng Bona, Batch ’81, Kisapmata, at Tag-Ulan sa Tag-Araw. Nakakatindig balahibo ang epekto ng mga eksena nito. Bakit kaya kadalasan sa dulo ng pelikula pa talaga hinuhugot ang kataas-taasan ng emosyon ng manonood? Minsan naiiwan pang bitin at kapag dumilim na lang ang telebisyon, doon pa lang malalamang tapos na pala ang pelikula. Wala nang ibang magagawa kundi pag-isipan na lamang sa sarili ang susunod na maaaring mangyari. Ngunit siguro iyon ang patuloy na humahatak sa mga manonood: ang mabigyan ng pagkakataon upang gamitin ang imahinasyon at paganahin ang utak upang magtanong.

Bukas ay Miyerkules na naman. Ano kaya ang ipapalabas?